Sunday, August 17, 2008

Isang Tagalog na Paglalahad

Ilang araw na rin akong tulala. Hindi makakain. Hindi makatulog. Mali ka sa iniisip mo sapagkat hindi pagmamahal ang dahilan ng problema kong ito. Sa katotohanan, mayroon akong malalang sakit. Isang sakit na nakamamatay, nakahahawa at nakakapagpabagabag (repeat 10 times).
Akala ko katapusan ko na. Akala ko pagkatapos ng araw na 'yun ay sa Dapitan na ang tuloy ko.. peru hindi! Hindi talaga dahil pagkatapos ng tatlong oras na tila habang buhay, nasabi kong "Oh yeah!" at malakas kong inawit ang "K- R- A- F- T!" Ako'y nagalak! Tapos na sa wakas ang midterms sa Matematika.

Sabay-sabay tayong magtumbling! Manood ng Dora at kumain ng ice cream. Magdiwang tayo dahil hindi lahat ng taong kumukuha ng midterms ay tao pa rin kapag labas ng kwarto. Marami sa kanila ay kilos-amoeba na pagkalipas ng isang nakatutuyong eksaminasyon.
Tama! Dapat nga ay kinalilimutan na lang ang mga bagay na katulad ng midterms. Masakit isipin na naapektuhan ka nito ng malaki at naging bahagi ito ng pagka-sira ng kalahati ng utak mo. Kapag lumabas na ang resulta, magtago sa kakahuyan. Dahan-dahang silipin ang blue book at siguraduhin na nag-iisa ka lamang. Kapag pumasa, pumunta sa gitna ng Sunken Garden, magjumping jacks at hikayatin ang lahat na sabayan ka sa iyong magiliw na pagbaybay ng U Na I Ba E Ra Sa I Da A Da Na Ga Pa I La I Pa I Na A Sa (repeat 5 times until drum rolls). Ipamalita sa lahat na pumasa ka sa midterms, magyabang at maging handa sa dumadagundong na sigaw nilang, "Burger! Burger!" Maghanda ng panglibre at manghuthot sa magulang upang maipagpatuloy ang pagyayabang. Sa kabilang banda, kapag naman bumagsak ka, umiyak ka na lang. Sugurin ang prof at magpanggap na maglalaslas ka kung ibabagsak ka niya. Kapag pumayag siya, mabuti. Kapag hindi, ngumiti at sabihing, "Joke lang!" sa isang malambing na boses. Tawagan ang minamahal at magreklamo. Maghanda ng bwakanang haba na listahan ng posibleng dahilan na tulad nang, "Huhuhu.. Namatay kasi ang pusa ko kaya naiisip ko sya habang nag eexam ako.." at ang walang kamatayang, "malabo kasi ang photocopy na napunta sa akin.. 'Yung seven mukhang one at ung four ay mukhang zero" sabay iyak para hindi na sila magtatanong pa. Kapag naman nalaman ng mga strict mong parents at papagalitan ka na nila, sumigaw ka lang ng isang malakas na "expecto patrona!" at ulit-ulitin lang hanggang matakot sila at tumaas lahat ng balahibo. Magdrama sa mga blockmates upang sa susunod na exam ay papakopyahin ka na nila. Kapag hindi pa rin umepekto, magshift ka na lang, 'yung course na walang Math. Amen.

No comments: